Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na matatapos na sa loob ng dalawang linggo ang pagsisiyasat sa posibleng pagkakadawit ng mga opisyal ng Philippine National Police sa kalakalan ng iligal na droga.
Sa 1st Joint National and Regional Peace and Order Council Meeting sa Malakanyang, inihayag ng pangulo na naging komplikado ang sistema ng internal review dahil kailangan nilang maging patas, at hindi sila maaaring umaksyon batay lamang sa tsismis.
Iginiit ng chief executive na dapat magkaroon ng mekanismo na magpapanagot sa mga pulis na “natukso” sa droga.
Kasabay nito’y tiniyak ni Marcos ang maigting na paglaban sa pagkalat ng illegal drugs sa bansa.
Matatandaang noong Enero ay hinimok ni Interior Sec. Benhur Abalos ang high-ranking police officials na maghain ng courtesy resignation kasabay ng pagbuo ng 5-Man Committee na magre-review sa posibleng pagkakadawit ng mga pulis sa iligal na droga. —sa ulat ni Harley Valbuena