Magpupulong ngayong lunes ang Inter-Agency Committee on Foreign Students (IACFS) para talakayin ang dumaming Chinese Nationals na nag-aaral sa Pilipinas.
Sinabi ni Immigration commissioner Norman Tansingco na humiling siya ng high level meeting sa IACFS, na pinamumunuan ng Commission on Higher Education (CHED), makaraang manawagan ang senado at kamara ng imbestigasyon hinggil sa pagdagsa ng Chinese students sa Tuguegarao City, sa Cagayan.
Inihayag ni Tansingco na nais nilang linawin sa pulong ang papel ng bawat ahensya sa pagbibigay ng pahintulot sa mga dayuhan na mag-aral sa Pilipinas.
Kabilang din sa mga miyembro ng inter-agency committee ang National Bureau of Investigation, National Intelligence Coordinating Agency, Department of Foreign Affairs, at Department of Education.
Batay sa record ng Bureau of Immigration, 1,516 Chinese nationals ang pinagkalooban ng student visas sa Cagayan, na lahat ay inendorso ng isa sa mga pangunahing unibersidad sa Pilipinas.