dzme1530.ph

Intelligence fund ng PCG para sa susunod na taon, pinadaragdagan!

Nangako si Senador Chiz Escudero na isusulong niyang madagdagan ang intelligence fund ng Philiippine Coast Guard (PCG) para sa susunod na taon upang mas maging epektibo ang pagpapatupad nito ng kanilang mandato sa pagbibigay proteksyon sa ating territorial waters.

Sinabi ni Escudero na simula noong 2009 ay hindi na nadagdagan ang P10-M intel fund ng PCG kaya’t sa budget deliberations sa Senado ay igigiit niya ang dagdag na pondo para rito.

Gayunman, nilinaw ng senador na anuman ang idaragdag na pondo sa intel fund ng PCG ay hindi dapat magmula sa capital outlays, personnel services o sa maintenance and other operating expenses, bagkus dapat magmula sa intelligence at confidential budget na ipinanukala na ng Department of Budget and Management.

Ito ay upang hindi anya maapektuhan ang iba pang pangangailangan ng bansa na dapat paggugulan din ng pondo para maisaayos ang social services sa taumbayan.

Subalit kung mabigo naman anya ang Kongreso na mabigyan ng dagdag na intel fund ang PCG, may kapangyarihan ang Pangulo na itaas ang pondo nito.

Samantala, nilinaw din ni Escudero na ang ipinapanukala niyang P100-M pondo para sa konstruksyon ng permanent structures sa Ayungin Shoal ay magmumula rin sa proposed P5.76-T proposed National Budget. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author