Tuluyan nang gumuho ang integridad ng Senado bilang institusyon dahil sa ginawang pagdinig ukol sa “PDEA Leak” na nagsasangkot kay PBBM sa ilegal na droga.
Sa pulong balitaan sa Manila Polo Club bago ang seremonya sa pagsasanib pwersa ng LAKAS-CMD at Partido Federal ng Pilipinas, sinabi ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na mistulang “Smear campaign” o paninira ng reputasyon ang tinakbo ng imbestigasyon ng komite ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Para kay Adiong, walang patutunguhan ang imbestigasyon dahil hindi naman napanindigan na ito ay “In aid of legislation” kung saan isinasailalim sa review ang ilang umiiral na batas.
Hindi rin umano papasa sa prosekusyon ang mga inilabas na ebidensiya at dokumento ng tumayong witness na si Jonathan Morales dahil sa salat ito sa matibay na legal basis.
Nagtataka naman si Deputy Speaker David Suarez kung bakit pinag-aaksayahan ng oras ang isang witness na kwestyunable ang pagkatao, kumpara sa mahahalagang usapin gaya ng West Philippine Sea issue, at pag-amyenda sa Rice Tariffication Law.