Walang obligasyon ang insurance company na kinuha ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa pagtaob ng bangkang Princess Aya sa Binangonan, Rizal na ikinasawi ng 27 katao.
Ipinaliwanag ni Atty. Darren de Jesus, Presidente at CEO Milestone Guaranty and Assurance Corp., na hindi sasagutin ng kumpanya ang reimbursement at pagbabayad ng insurance dahil may nakitang paglabag sa may-ari ng bangka tulad ng overloading at kawalan ng lisensya ng boat na hindi pasok sa kanilang policy.
Sinabi pa ni de Jesus na umapela na sa kanila ang MARINA subalit batay sa records at sa kanilang review ay hindi maikakailang may violations talaga sa nangyaring insidente.
Sa kabilang dako, nagbigay pa rin ng financial assistance ang insurance company sa pamilya ng mga biktima at sa mga survivors bilang humanitarian consideration.
Ang mga pamilya ng mga nasawi ay may P10,000 tulong pinansyal habang P5,000 sa mga survivors.
Kung wala sanang paglabag ay buong matatanggap ng mga biktima ang P200,000 na insurance.
Pinuri naman ni Senator Raffy Tulfo ang makataong ginawa ng insurance company subalit nababahala si Public Services Committee Chairperson Grace Poe dahil ngayon ang tanging maaasahan ng mga pamilya at survivors ng trahedya ay ang mga sariling insurance na batid namang hindi lahat ng pasahero ay mayroon nito. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News