Ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na umabot sa mahigit ₱100 bilyon ang mga tinaguriang “insertions” ng halos lahat ng senador ng 19th Congress sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
Sinabi ni Lacson na nakita nila ito sa mga dokumentong naglalaman ng mga individual insertions, bagama’t na-tag bilang “For Later Release (FLR).”
Dagdag pa nito, hindi pa niya nakikita ang buong listahan ng mga kongresista dahil masyado raw itong mahaba.
Kaugnay nito, tiniyak ni Lacson na tatanungin niya ang iba’t ibang ahensya kaugnay sa mga insertions ng Senado sa mga budget hearing.
Giit ng senador, bagama’t hindi awtomatikong ilegal ang insertions, nagiging kwestyonable ito lalo na kung umaabot sa ₱5 bilyon hanggang ₱9 bilyon ang bawat individual insertion.
Babala pa ni Lacson, banta ito sa ekonomiya dahil ang mga pondong naililihis ay dapat sana’y ginagamit para sa mga proyektong pang-imprastraktura na pinagplanuhan mula barangay hanggang regional level.