Papalitan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga kahon ng family food packs na naglalaman ng mga inirereklamong expired na de-latang tuna ng mga benepisyaryo na naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay DSWD MIMAROPA Regional Director Leonardo Reynoso, nasa 60,000 family food packs ang kanilang papalitan sa buong Oriental Mindoro.
Aniya, alinsunod ito sa direktiba ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na i-recall at ihinto muna ang pamamahagi ng family food packs na naglalaman ng inirereklamong tuna.
Dagdag pa ni Reynoso, Marso pa lamang ay nakakatanggap na sila ng reklamo sa nasabing brand ng tuna dahil sa kakaibang lasa nito pero hindi umano nila ito ma-verify.
Gayunman posibleng mahirapan na aniya silang mabawi ang mga naipamigay ng family food packs kaya ang papalitan na lamang nila ay ang mga hindi pa naipamimigay.
Kasunod nito hinimok ni Reynoso ang mga benepisyaryo na maari silang magreport sa DSWD kung may problema sa kanilang mga natanggap na canned goods. —sa panulat ni Jam Tarrayo