![]()
Pinatitiyak ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang transparency at accountability sa paggastos ng pondo ng bayan sa mga proyektong pang-imprastraktura sa pamamagitan ng pagsasagawa ng masusing feasibility study bago ito maisama sa pambansang budget.
Isinusulong ng senador ang Senate Bill No. 1461 o ang Infrastructure Appropriations Integrity Act, na naglalayong pigilan ang iregularidad at maling paggamit ng pondo ng gobyerno.
Ayon kay Escudero, lahat ng proyekto ng pamahalaan ay dapat lagyan ng mga detalye tulad ng station numbers, geotagging, geodetic coordinates, at iba pang paraan upang masubaybayan ng publiko kung saan at paano ginagamit ang pondo.
Nakasaad sa panukala na hindi maaaring isama sa pambansang budget ang anumang proyekto kung hindi ito dumaan sa masusing feasibility study.
Dapat aniya ay malinaw at kumpleto ang dokumentasyon ng technical at financial bases ng proyekto, kabilang ang unit price analyses, standard cost ng mga materyales, at quantity estimates na dapat maipakita sa publiko.
Ipinagbabawal din sa panukala ang budget splitting o ang paghahati-hati ng pondo para sa iisang proyekto, dahil ito ay taliwas sa Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Law.
Una na ring hiniling ni Escudero kay Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na isama sa 2026 national budget ang mga probisyon ng SBN 1461 bilang transparency at accountability safeguards.
