Target ng gobyerno na patuloy na maibaba ang inflation rate sa mga susunod na taon.
Sa pagsisimula ng pagtalakay ng Senate Committee on Finance sa P5.768-T proposed 2024 National Budget, humarap ang economic managers na kinabibilangan nina Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr., National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, Finance Secretary Benjamin Diokno at Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Sa presentasyon ni Remolona, binigyang-diin na maaaring makaambag sa inflation ang epekto ng El Nino at pabago-bagong lagay ng panahon kasama na ang pagbagal ng takbo ng ekonomiya sa buong mundo.
Gayunman, inaasahan ng BSP na bababa ang inflation rate sa 5.4% sa katapusan ng 2023; 2.9% sa 2024 at 3.2% sa 2025.
Ilan naman sa mga short-term strategies na target gawin ng gobyerno ang pagtiyak sa food reserves, pagpapalakas sa agriculture resilience, at pagpapaigting ng economic support.
Sa long term strategies, nais ng economic team na mapalakas pa ang local food systems, i-upgrade ang mga imprastraktura, at pag-streamline ng regulasyon sa pamumuhunan.
Sinabi naman ni Balisacan na prayoridad ng Marcos administration sa 2024 ang food security, pagpapababa sa transport, logistics at energy cost, pagtugon sa learning losses sa mga mag-aaral, pagpapahusay ng kalusugan, pagpapalakas sa social protection, at digitalization sa fiscal management ng pamahalaan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News