Bumilis sa 1.5% ang inflation rate noong buwan ng Agosto, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang datos ay mas mataas kumpara sa naitalang 0.9% noong Hulyo, ngunit mas mabagal pa rin kumpara sa 3.3% inflation rate sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa PSA, isa sa pangunahing dahilan ng pagbilis ay ang pagtaas ng presyo ng gulay at isda.
Bukod dito, bumilis din ang annual index ng pagkain at non-alcoholic beverages sa 0.9%, habang ang transport index ay nagrehistro ng pagbaba sa 0.3% sa nasabing buwan.
Dahil dito, bumaba sa 1.7% ang average inflation rate ng bansa mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, pasok pa rin sa target range na 2% hanggang 4% ng pamahalaan para sa taong 2025 hanggang 2028.