Bibisita sa Malacañang ngayong araw ng Biyernes, Sept. 20, si Indonesian president-elect Prabowo Subianto.
Alas-12:30 ng tanghali inaasahang darating sa Palasyo ang incoming Indonesian leader, para sa courtesy call kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Bukod sa Pangulo, haharap din kay Subianto sina Executive Sec. Lucas Bersamin, Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo, Defense Sec. Gibo Teodoro, at iba pang opisyal.
Sa ngayon ay hindi pa tiyak kung ano ang tatalakayin nina Marcos at Subianto.
Gayunman, noong Pebrero ay nagpaabot ng pagbati ang Pangulo para sa Indonesian president-elect, kasabay ng pagsasabing handa itong palawakin pa ang ugnayan ng Pilipinas sa Indonesia.
Si Subianto ang papalit kay outgoing Indonesian President Joko Widodo. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News