Inamin ni Bell-Kenz Pharmaceutical Inc. Chairperson at Chief Executive Officer Luis Raymond Go na nagbibigay sila ng insentibo sa mga doktor na nagrereseta ng kanilang mga gamot.
Gayunman, itinanggi ni Go ang sinasabing mala-multilevel marketing scheme ng kumpanya kasabwat ang ilang doktor para sa pagrereseta ng mga gamot sa mga pasyente.
Sinabi ng doktor na kasama sa insentibo sa mga doktor ang medical education support, biyahe sa abroad at ilang mga gamit tulad ng relo subalit hindi kasama ang mamamahaling mga kagamitan gayundin ang kotse at pera.
Itinanggi rin nito na nagbibigay sila ng kumisyon sa mga doktor na nagrereseta ng kanilang mga gamot subalit inilabas sa pagdinig sa senado ang larawan ng ilang tseke na naglalaman ng sinasabing kumisyon ng mga doktor.
Samantala, inihayag ng Professional Regulation Commission (PRC) na kung mapatunayang totoo ang alegasyon sa mga doktor ay maaaari silang maharap sa paglabag sa Republic Act 2382 kaugnay sa Code of Ethics of Medical Profession.
Dahil aniya sa paglabag na ito ay maaaring pagpaliwanagin, patawan ng suspension o matanggalan ng lisensya ng mga doktor.
Kasabay nito, kinumpirma ng CEO ng kumpanya na siya ay isang cardiologist at visiting consultant sa Philippine Heart Center at umaabot sa 40 hanggang 50 ang pasyente nito kada araw.
Sinabi naman ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na kahit visiting consultant lamang si Dr. Go sa Heart Center siya pa rin ay maituturing na miyembro ng kanilang organisasyon.