Tiwala si Sen. Risa Hontiveros na may mga bagong impormasyon silang makukuha kaugnay sa hinihinalang koneksyon ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa POGO at ng mga sindikato bukod pa sa sinasabing yaman ng alkalde.
Sinabi ni Hontiveros na nagmumula ang impormasyon sa intelligence agencies at iba pang ahensya ng gobyerno sa isasagawa nilang executive session.
Ipinaliwanag ng chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na mas nais ng mga intel agencies na ibahagi ang kanilang mga impormasyon sa executive session na kanilang isasagawa bago ang panibagong public hearing.
Hindi naman matiyak ni Hontiveros na iimbitahan si Guo sa executive session.
Samantala, inihayag ni Sen. Sherwin Gatchalian na hihingan nila ng report at paliwanag ang Anti Money Laundering Council (AMLC) kaugnay sa POGO sa Bamban, Tarlac.
Tanong ng senador sa AMLC kung bakit hindi nabantayan ang pagpasok ng malaking pera na ipinampagawa ng POGO complex.