Implementasyon ng speed limiter law, pinabubusisi

dzme1530.ph

Implementasyon ng speed limiter law, pinabubusisi

Loading

Nanawagan si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III ng oversight review sa implementasyon ng Republic Act 10916 o ang Speed Limiter Law.

Sinabi ni Pimentel na dapat alamin kung paano ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTr) ang RA 10916.

Ang RA 10916, na isinabatas noong 2016, ay nagmamandato ng paglalagay ng calibrated speed limiters sa mga pampublikong sasakyan gaya ng bus, trak, at iba pang komersyal na sasakyan.

Gayunman, sinabi ni Pimentel na bigo ang DOTr na ipatupad ito nang buo.

Kung ipinatupad lang aniya ng DOTr ang batas na ito, marami sanang buhay ang nailigtas mula sa mga hindi kailangang sakuna sa kalsada.

Bagaman hindi tiyak kung ang SUV na sangkot sa insidente sa NAIA ay isang public utility vehicle, sinabi ni Pimentel na ang kabiguan ng gobyerno na mahigpit na ipatupad ang mga batas sa kaligtasan, pampubliko man o pribadong sasakyan, lalo na sa mataong lugar gaya ng paliparan, ay nagpapalala sa panganib sa kalsada.

Hinimok ni Pimentel ang DOTr na magsagawa ng malawakang audit sa transport compliance sa buong bansa at tiyakin na ang lahat ng pribadong kontratista sa mga pangunahing terminal ay sumusunod sa mga batas sa kaligtasan sa daan.

About The Author