Muling nanawagan si Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go para sa agarang modernisasyon ng Bureau of Fire Protection at buong implementasyon ng Republic Act No. 12076 o ang Ligtas Pinoy Centers Act na nag-aatas ng pagtatayo ng dedicated evacuation centers sa bawat lungsod at bayan sa buong bansa.
Sinabi ni Go na hindi maaaring palaging sa mga eskuwelahan o covered court lang mananatili ang mga lumikas mula sa kani-kanilang tahanan.
Bilang principal author ng nasabing batas, iginiit ni Go na hindi lang kalamidad gaya ng bagyo at lindol ang dapat paghandaan, kundi maging ang tumataas na insidente ng sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Iginiit ni Go na kailangan ng mas modernong kagamitan, mas maraming fire trucks, at dagdag na personnel sa BFP upang mapabilis ang pagresponde sa mga insidente ng sunog.
Idinagdag pa ng senador na ang pagpapatayo ng Ligtas Pinoy Centers ay dapat sabayan ng malapit na koordinasyon ng mga LGU, DILG, at DPWH para matiyak na maayos ang pagpapatupad at mabilis ang pagtatapos ng mga pasilidad.