Pinagdebatehan ng mga senador ang naging mosyon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na mag-convene na agad ang Senado bilang impeachment court upang talakayin na ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ikinatwiran ni Pimentel na nalalagay na sa kwestyon ang reputasyon, integridad at dignidad ng Senado dahil sa hindi agad pag-aksyon ng Senado sa impeachment complaint.
Sinabi ni Pimentel na tama lamang na mainip na ang tao kung kelan gagampanan ng Senado ang kanilang mandato.
Sinegundahan naman ni Sen. Risa Hontiveros ang mosyon ni Pimentel at ipinaalala na marami na rin ang nananawagan sa Senado para gawin ang kanilang constitutional mandate.
Gayunman, sa halip na pagbotohan ang mosyon, nagkasundo ang mga senador na irefer na ang verified impeachment complaint sa Senate Committee on Rules.
Ilang oras ding nagdebate ang mga senador sa mosyon na manumpa na si Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng impeachment court na susundan ng panunumpa ng mga senador ngayong araw na ito.
Ito ay sa gitna ng pagmamatigas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na hindi pa maituturing na nakaconvene na ang impeachment court kahit manumpa na silang lahat.
Sa huli, pinayagang manumpa si Escudero bilang presiding officer ng impeachment court at mamayang alas-4 ng hapon ay manunumpa sa kanya ang mga senador bilang impeachment judges.