dzme1530.ph

Impeachment laban kay VP Sara, posibleng ituloy pa rin

Naniniwala si Sen. Imee Marcos na may mga kongresista pa ring magsusulong ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ay kahit na nagsalita na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi makabubuti sa bansa ang impeachment dahil magdudulot lamang ito ng pagkakahati-hati.

Sinabi ni Marcos na sa sandaling maihain ang reklamo ay tiyak na itong lulusot sa Mababang Kapulungan dahil kung anuman ang ninanais ng liderato nito ay nasusunod.

Sa kabilang dako, suportado ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang panawagan ni Pangulong Marcos na huwag nang pag-aksayahan ng panahon ang impeachment.

Ipinaliwanag ni Estrada na marami nang problema sa ngayon ang bansa na dapat unahing tugunan kaya’t hindi makatutulong sa ekonomiya kung lalarga pa ang impeachment.

Ipinaalala ng senador na kapag natuloy ang impeachment ay matitigil ang trabaho ng dalawang kapulungan dahil obligado silang atupagin ito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author