Hindi na dapat mag-aksaya ng panahon ang Senado at agad nang mag-convene bilang impeachment court sa pagbabalik ng sesyon sa Hunyo 2 upang talakayin ang mga reklamo laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang iginiit ni dating Senate President Vicente Tito Sotto III kaugnay sa umiinit na usapin kaugnay sa probisyon sa konstitusyon na dapat agad aksyunan ang verified impeachment complaint na naihain sa Senado.
Sinabi ni Sotto na ang dapat na naging proseso nang natanggap ng Senado ang reklamo ay nag-convene sila bilang impeachment court at atasan ang Committee on Rules na pag-aralan ang mga reklamo at maghintay ng rekomendasyon nito.
Subalit ngayon anyang nakabreak ang sesyon ng Kongreso ay imposible na itong maiconvene maliban na lamang sa pamamagitan ng special session.
Pero upang pumasok pa rin anya sa probisyon ng agarang aksyon sa reklamo ay dapat na gawin ng Senado ang kanilang pagkilos sa pagbabalik ng sesyon sa Hunyo.