dzme1530.ph

Impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte, ipinababasura na sa Senado

Loading

Sinimulan ni Senador Rodante Marcoleta ang pagtalakay ng Senado sa ruling ng Korte Suprema kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa kanyang privilege speech, ipinaalala ni Marcoleta na ang ruling ng Korte Suprema ay immediately executory at nakatuon sa prosesong isinagawa ng Kamara.

Bago tuluyang umarangkada ang kanyang talumpati, binigyang-diin ni Marcoleta na hindi pa tuluyang tumatawid sa 20th Congress ang impeachment process dahil wala pang pormal na aksyon mula sa Senado.

Inisa-isa ng senador ang mga umano’y paglabag ng Kamara sa paghahain ng reklamo laban sa Pangalawang Pangulo. Una rito ang pagkakaroon ng apat na impeachment complaints, sa kabila ng probisyong isa lamang ang pinahihintulutang ihain laban sa isang impeachable official sa loob ng isang taon.

Paglabag rin, aniya, ang hindi agarang pagrerefer ng reklamo sa House Committee on Justice, gayundin ang hindi paglalagay nito sa order of business.

Pinuna rin ni Marcoleta ang umano’y maling paraan ng pagberipika ng Secretary General ng Kamara, na hindi raw idinaan sa affidavit. Dahil dito, maaaring ituring ang reklamo bilang isang unsigned complaint.

Sa huli, iginiit ni Marcoleta na nagsalita na ang Korte Suprema, kaya’t dapat na raw ibasura ang impeachment complaint laban kay VP Duterte.

About The Author