Sa botong 18-5, kinatigan ng mga senator-judges ang motion ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na ibalik sa Kamara ang articles of impeachment subalit hindi ito nangangahulugan ng dimissal o termination.
Ang mosyon ni Cayetano ay pag-amyenda sa naunang mosyon ni Senator-Judge Ronald Bato dela Rosa na ibasura ang reklamo dahil sa paglabag sa konstitusyon ng proseso ng pagsusulong nito sa Senado.
Ino-obliga ng impeachment court ang Kamara na maglabas ng certification na hindi lumabag sa Article 11, Section 3, Paragraph 5 ng Konstitusyon ang reklamo partikular ang usapin sa one year ban ng paghahain ng reklamo.
Bukod dito, nais din ng Impeachment Court na magpadala ng komunikasyon ang mga kongresista na magiging miyembro ng 20th Congress sa Kamara na handa pa rin silang ituloy ang impeachment proceedings.
Kabilang sa mga bumoto kontra sa mosyon ay sina Senate Minority Leader Koko Pimentel, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Grace Poe, Sen. Sherwin Gatchalian at Sen. Nancy Binay.
Sa kabilang dako, nilinaw ni Presiding Officer Senate President Francis Escudero na hindi nila ibinabasura ang reklamo at katunayan ay tuloy pa rin ang pag-iisyu nila ng mga kautusan.
Bilang impeachment court, nag-isyu ang Senado ng summon kay VP Sara upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya sa loob ng 10 araw.
Samantala, kinumpirma ni Escudero na hindi na rin kailangan pang basahin ng prosecution team ang articles of impeachment sa open session ng Senado.