dzme1530.ph

Imbestigasyon sa sunog sa NAIA terminal 3, dapat palawakin!

Iginiit ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe na dapat lawakan ang pagsisiyasat sa naganap na sunog sa NAIA Terminal 3 parking area.

Sinabi ni Poe na bukod sa pagtukoy sa tunay na dahilan ng sunog, dapat mai-evaluate ng airport management kung gaano kabilis ang naging pagresponde sa insidente.

Dapat ding tukuyin sa pagsisiyasat kung saang aspeto pa dapat mag-improve at paano pa mapabibilis ang pag-aksyon sa mga kahalintulad na pangyayari.

Kailangan din aniyang matukoy kung may sapat bang kagamitan tulad ng fire extinguishers para sa first responders at kung may sapat na kaalaman at pagsasanay ang mga airport personnel sa mga ganitong emergencies.

Kasabay nito, sinabi ni Poe na hahayaan muna nilang tapusin ng NAIA management ang imbestigasyon at saka hihingi ng kopya ng report.

Sa sandali anyang mabasa na ang report ay saka sila magdedesisyon kung kailangan pa itong busisiin ng Senado bilang bahagi ng kanilang oversight function.

About The Author