Kinumpirma ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ang Senate Blue Ribbon Committee na ang hahawak sa imbestigasyon kaugnay sa sinasabing sabwatan ng mga doktor at pharmaceutical company sa pagbibigay ng reseta sa mga pasyente.
Sinabi ni Villanueva na napagkasunduan sa caucus na ipauubaya na ng Senate Committee on Health sa Blue Ribbon Committee ang pagsisiyasat.
Ipinaliwanag ni Villanueva na tinalakay ang usapin sa caucus makaraang kwestyunin ni Sen. Pia Cayetano ang pagsasagawa ng pagdinig ng Health Committee na pinangungunahan ni Sen. Christopher Bong Go.
Una rito, iginiit ni Cayetano sa plenary session na aralin kung sino ang may tamang hurisdiksyon sa isyu na nagsasangkot na sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Health, Food and Drugs Administration, Professional Regulation Commission at maging ang Philippine Heart Center.
Ipinaliwanag naman ni Go na motu propio ang ginawa nilang pagdinig kung saan ipinatawag ang mga opisyal ng Bell Kenz Pharma.
Alinsunod din ito sa resolusyon at public statements ni Sen. JV Ejercito.
Kinatigan naman nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Villanueva si Go at iginiit na lahat ng kumite ay may kapangyarihang magsiyasat sa mga kontrobersiya o mahahalagang isyu nang kusa kahit wala pang resolusyon.