Nanawagan si Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila De Lima na ipagkatiwala sa isang independent body ang imbestigasyon sa umano’y korapsyon sa flood control projects, at hindi sa mababang kapulungan, upang maiwasan ang conflict of interest.
Kasunod ito ng pagpayag ng Kamara sa tatlong komite na magsagawa ng joint probe sa mga proyektong inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang maanomalya.
Ayon kay De Lima, bagama’t tiniyak ng tri-committee leaders ang patas na pagdinig, malaking tanong kung paano ito haharapin sakaling lumabas ang pangalan ng mga kapwa mambabatas.
Giit nito, mas makabubuti kung isang malayang lupon ang mamuno sa imbestigasyon na may kakayahan, integridad, at walang kinikilingan.
Kabilang sa mga inirerekomenda ni De Lima bilang miyembro ng body sina dating COA Commissioner Heidi Mendoza, dating DPWH Secretary Rogelio Singson, at mga eksperto gaya ng engineers at negosyanteng may karanasan sa infrastructure projects ngunit walang bahid ng korapsyon.
Dagdag pa ng mambabatas, dapat ring buuin ang isang inter-agency committee na kinabibilangan ng NBI, PNP, National Prosecution Service, at iba pang kaugnay na ahensya. Idiniin ni De Lima na maaaring maisakatuparan ito sa pamamagitan ng isang executive order na maaaring ideklarang urgent ng Pangulo.