Nais ni Sen. Robin Padilla na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang pinamumununan niyang Senate Committee on Public Information and Mass Media kaugnay sa sinasabing paglobo ng gastos sa pagpapatayo ng bagong gusali ng Senado sa Taguig City.
Inihain ni Padilla ang Senate Resolution 1063 para sa pagsisiyasat upang anya’y ipaalam sa publiko ang lahat ng datos sa konstruksyon ng bagong gusali.
Layun nito na matiyak na hindi mawawala ang tiwala ng publiko sa Senado bilang isang institusyon.
Ipinaliwanag ni Padilla na una nang inatasan ni Senate President Francis Escudero si Sen. Alan Peter Cayetano bilang chairman ng Committee on Accounts na i-review ang gastos sa New Senate Building na umakyat sa P23-B mula sa P8.9-B.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts, lumitaw na kasama sa gastos ang P8.9 bilyon para sa core and shell; P2.5-B sa fit-out; P1.6-B sa land acquisition; at ang ipinapanukalang dagdag na P10.33-B para sa completion ng proyekto.
Binigyang-diin ni Padilla nan bilang bahagi ng pangunahing sangay ng gobyerno, dapat manguna ang Senado sa pagpapakita ng transparency at accountability hindi lamang para sa burukrasya kundi sa kabuuan ng mamamayang Pilipino.