dzme1530.ph

Imbestigasyon ng Senado sa war on drugs, posibleng maging kaduda-duda kung si Sen. dela Rosa ang mangunguna

Aminado si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na posibleng pagdudahan ang resulta ng imbestigasyon ng Senado kaugnay sa war on drugs kung si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang mangunguna rito.

Sinabi ni Estrada na walang problema na pakinggan ang panig ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga alegasyon sa war on drugs subalit mahirap namang mailagay sa alanganin ang kredibilidad ng pagsisiyasat.

Ipinaliwanag ng senador na kilala namang kaalyado ng dating Pangulo si dela Rosa at maging si Sen. Christopher “Bong” Go kaya’t posibleng magkaroon ng kulay kung sila ang mangunguna sa pagsisiyasat.

Dapat aniyang mapatunayang walang bahid ng bias ang pagsisiyasat kaya’t kung siya ang masusunod ay mas makabubuting ang Senate Committee of the Whole ang mag-imbestiga.

Isa pa aniyang opsyon ay bumuo ng subcommittee ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs para sa imbestigasyon.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author