Magsisimula na bukas, araw ng Martes ang imbestigasyon ng Senate Committee on Justice and Human Rights kaugnay sa nadiskubreng ‘mass grave’ sa septic tank sa loob ng maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ayon kay Senador Francis Tolentino, pinuno ng kumite, isasagawa ang hearing sa loob mismo ng national penitentiary upang madali ring mapatawag ang mga presong posibleng magbigay linaw sa natuklasang mass grave.
Una nang inihain ni Tolentino ang Senate Resolution No. 709 para sa masusing imbestigasyon sa nadiskubreng mass grave habang hinahanap ang nawawalang inmate na si Michael Angelo Cataroja na huling nakita noong July 14.
Target din ng imbestigasyon na masuri ang mga nakalipas na insidente sa loob ng Bureau of Correction (BuCor) kung saan nakompromiso ang kaligtasan at seguridad ng mga ‘persons deprived of liberty’ sa loob ng national penitentiary gayundin sa mga awtoridad.
Sa tala mula sa BuCor hanggang noong December 2022, sa 673 naitalang pagkamatay sa NBP compound, walo ang dulot ng asphyxia, isa ang dahil sa gunshot wounds, anim sa stab wounds at tatlo ang may traumatic head injuries.
Nitong July 26, namatay ang inmate na si Alvin Barba makaraang masaksak ng ice pick sa gang war broke sa loob ng maximum security compound.
Narekober din ng BuCor’s Special Weapons and Tactics (SWAT) team ang isang cal. 45 pistol at 12 rounds of ammunition sa lugar. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News