dzme1530.ph

Imbestigasyon ng Senado sa flood control programs, umarangkada na; mga absent na contractor, pinaiisyuha­n ng subpoena

Loading

Umarangkada na ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga iregularidad sa flood control projects ng gobyerno.

Sa 15 contractors na inimbitahan, pito lang ang dumalo habang ang walo ay hindi nakaharap sa kumite dahil sa umano’y prior commitments o kalusugan. Dahil dito, ipinaiisyu na sila ng subpoena.

Kabilang sa ipinasubpoena sina Cezarah Dizcaya (Alpha and Omega General Contractor & Development Corp.), Ma. Roma Angeline Romando (St. Timothy Construction Corp.), Eumir Villanueva (Topnotch Catalyst Builders Inc.), Aderma Angelie Alcazar (Sunwest Inc.), Edgar Acosta (Hi-Tone Construction & Development Corp.), Romeo Miranda (Royal Crown Monarch Construction & Supplies Corp.), Mark Allan Arevalo (Wawao Builders), at Luisito Tiqui (L.R. Tiqui Builders Inc.).

Itinuro ni Sen. Rodante Marcoleta ang mga palpak na proyekto, kabilang ang revetment wall na aniya’y gawa sa 80% lupa, 15% semento at 5% bakal. Binanggit din niya ang flood control project na mismong ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi nasunod ang specifications.

Giit ni Sen. Erwin Tulfo, laganap ang “ghost projects” dahil sa mga opisyal ng DPWH na kumakamal ng kontrata at sila mismo ang kontratista. Tinawag niya itong “pagnanakaw to the max” at hinamon na pangalanan na ang sangkot na opisyal.

Ikinumpara naman ni Sen. Raffy Tulfo sa “pagkatay ng baka” ang flood control funds na aniya’y pinaghahatian ng tiwaling opisyal, contractors at subcontractors.

About The Author