Buo ang paniniwala ni Sen. Ronald dela Rosa na gagamitin sa International Criminal Court ang pagsisiyasat na isinasagawa ng Quad Committee ng Kamara kaugnay sa inilunsad na war on drugs ng nakalipas na administrasyon.
Pinangalanan din ng senador si House Speaker Martin Romualdez na may kumpas sa imbestigasyon ng Quad Committee.
Katulad aniya ito ng pangunguna rin ni Romualdez sa pagre-recruit ng ilang opisyal ng dating administrasyon para maglabas ng affidavit upang idiin sila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.
Posible aniyang kasama sa na-recruit si Police Lt. Col. Jovie Espenido upang magsinungaling sa mga kongresista at akusahan siya na nagpapatay sa mga drug suspect.
Binigyang-diin ni dela Rosa na pinipilit na ikonekta ang drug war at extra judicial killings sa POGO.
Isinusumpa anya niya sa ngalan ng Panginoon na hindi siya nagbigay ng quota at reward money sa sinumang makapapatay sa mga kasama sa narco-list. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News