dzme1530.ph

Illegal recruitment scheme na target ang mga dating OFW, nabisto ng BI sa NAIA

Nabisto ng Bureau of Immigration (BI) ang umano’y illegal recruitment scheme na target ang mga dating Overseas Filipino Workers.

Kabilang na rito ang kaso ng isang 37 taong gulang na Pinay na naharang ng mga tauhan ng Immigration sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 matapos itong magtangka na lumabas ng bansa sakay sana ng isang flight patungong Doha, Qatar.

Batay sa imbestigasyon ng BI, lumalabas na ilegal na nirecruit ang Pinay para magtrabaho bilang isang household service worker sa Dubai.

Sinabi rin ng biktima na wala siyang kumpirmadong employer at ipoproseso lamang ang kanyang dokumento pagdating sa naturang bansa.

Samantala, isa ring katulad na kaso ang iniulat ng ahensya sa NAIA Terminal 1 na kung saan isang babaeng OFW ang nagsabing siya ay isang returning worker sa Riyadh at bumibiyahe lamang patungo sa Dubai.

Itinurn-over na ang naturang mga kaso sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa legal na aksyon laban sa mga recruiter na responsable sa nasabing scheme. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author