Pinag-aaralan ng Department of Transportation (DOTr) na ipasara ang illegal bus terminal sa Pasay City at mga kahalintulad na establisimyento sa iba pang mga lungsod.
Ito’y matapos punahin ni Transportation Sec. Vince Dizon ang hindi magandang kalagayan ng isang bus terminal – mula sa marumi at maliit na washrooms, mga pasaherong naghihintay sa ilalim ng shed na gawa sa tarpaulin, kawalan ng cooling fans, at iba pa.
Hindi tuloy naiwasan ni Dizon na maikumpara ang naturang terminal sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Sinabi ng Kalihim na hindi dapat pinahihintulutang mag-operate ang ganitong iligal na terminal, kasabay ng pagbibigay diin na hindi makatarungan para sa mga pasahero na nagbayad ng mahigit dalawanlibong piso para sa kanilang biyahe, na maghintay nang walang upuan at walang bentilador.
Nagbabala rin si Dizon sa mga may-ari ng bus terminal sa Pasay City na maghanda na sa kanilang paliwanag kung bakit sila nag-o-operate nang iligal.
Idinagdag ng DOTr na pinaplano na nila ang pagtatayo ng bus terminal sa Valenzuela City na kagaya ng PITX.