dzme1530.ph

Ilang unibersidad, tutulong sa pagsanay ng mga nurse na hindi nakapasa sa board exam

Inihayag ng Commission on Higher Education (CHEd) na nag-sign up na ang ilang paaralan para sanayin ang mga nurse bilang bahagi ng programa ng gobyerno na matugunan ang kakulangan ng nurses sa bansa.

Kabilang dito ang Our Lady of Fatima University, University of Santo Tomas, at University of the Philippines – Manila na nagpakita ng interes na mag-alok ng refresher courses sa mga underboard nurse na magiging Clinical Care Associates (CCAs).

Ayon kay CHEd chairman Prospero De Vera the Third, maraming paaralan ang nais tumulong na magdesensyo ng “best review program,” at umaasa rin siya na sa bagong joint administrative order ay agaran itong makapagpo-produce ng mga nurse.

Nabatid na ang kasunduan na nilagdaan ng Department of Health at CHEd ay may layuning bigyan ng “quality” review classes ang mga nurse na hindi nakapasa sa board exam, subalit kasalukuyang nagtatrabaho sa pampubliko at pribadong ospital sa bansa. –sa panulat ni Airiam Sancho

About The Author