dzme1530.ph

Ilang solusyon sa food insecurity, inilatag sa Senado

Loading

Naglatag si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ng ilang hakbangin upang masolusyunan ang food insecurity sa bansa.

Sinabi ni Pangilinan na ang food insecurity ay nakakapinsalang krisis sa sektor ng pagkain, agrikultura, at pangingisda.

Iminungkahi ng senador ang pagbuo ng Agriculture and Food Commission; pagsusuri muli sa Rice Tariffication Law; pagbabalik ng pamamahala ng agri-cooperatives sa Department of Agriculture at ng agricultural extension services sa antas ng munisipyo; ganap na pagpapatupad ng Sagip Saka Act; at pagbibigay ng sertipikasyon bilang urgent bill sa panukalang pagbabawal ng agricultural land conversion at sa pagbuo ng Congressional Oversight Committee on Anti-Agricultural Economic Sabotage.

Batay sa pinakahuling ulat ng United Nations State of Food Security and Nutrition, tinatayang nasa 44% ng mga Pilipino, katumbas ng humigit-kumulang 51 milyong tao, ang nakaranas ng katamtaman hanggang matinding food insecurity mula 2021 hanggang 2023.

Sa panawagan ni Pangilinan, umaasa itong mabibigyang-pansin ng pamahalaan ang pangmatagalang solusyon upang hindi na magutom ang mga Pilipino at umunlad ang sektor ng agrikultura at pangingisda.

About The Author