Nanghihinayang ang ilang senador na hindi nabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA ang isyu ng online gambling.
Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, patuloy ang kanilang panawagan na tuluyang ipagbawal ang online sugal dahil wala itong mabuting naiaambag sa lipunan. Nanindigan siyang ang tunay na serbisyo sa bayan ay ang pagtindig laban sa mali at paninindigan para sa tama, kahit hindi ito popular.
Nangako si Senadora Pia Cayetano na bagama’t hindi natalakay ang isyu sa SONA, patuloy silang magsasalita upang mailantad ang masamang epekto ng online gambling, na tinawag niyang “sakit” na sumisira sa pamilya.
Sinabi naman ni Senador JV Ejercito na kabilang sa priority measures ang panukalang pagbabawal sa online gambling, ngunit tila nalimutan ito dahil sa dami ng proyekto at programa.