dzme1530.ph

Ilang senador, naalarma na may mga kadete at sundalong Pinoy na nag-aaral sa Beijing

Nagpahayag ng pagkaalarma ang ilang senador sa impromasyon na ilang mga kadete at sundalo ang nag-aaral sa Beijing Military Academy.

Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense, ibinunyag ni Senador Francis Tolentino ang kanyang obserbasyon na karamihan sa mga opisyal ng militar na sumasalang sa Commission on Appointments ay graduate sa Beijing Military Academy.

Sinabi ni Tolentino na dapat ipaliwanag ito ng Armed Forces of the Philippines sa gitna na rin ng patuloy na aksyon ng China laban sa Philippine Coast Guard at maging sa mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea.

Aminado naman si Senador Raffy Tulfo na maituturing itong sampal sa Pilipinas dahil pinag-aaral natin sa bansang nambubully sa atin ang ating mga sundalo.

Ipinaliwanag naman ng DND na ang China mismo ang nag-alok ng one year course para sa bansa at kadalasang senior officers ang pinag-aaral doon.

Sa usapin naman ng mga kadete, sinabi ng DND na kanila pa anya itong beberipikahin.

Samanatala, nanawagan naman si Tulfo sa DND na itigil na muna ang anumang mga pakikipagtransaksyon o pakikipagkasundo sa China kaugnay sa military exchange. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author