Nanawagan ang ilang senador na gawing simple na lamang ang pagbubukas ng 20th Congress at ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa gitna ng pinsalang iniwan ng mga nagdaang kalamidad sa maraming bahagi ng bansa.
Ayon kay Sen. Loren Legarda, dapat ay simple lang ang pagbubukas ng sesyon sa Senado at maging ang SONA ng Pangulo. Dapat umanong ituon ang atensyon sa pagbibigay ng solusyon sa mga problema, lalo na ang matagal nang suliranin sa malawakang pagbaha.
Sinabi naman ni Sen.Juan Miguel “Migz” Zubiri na ang simpleng pagbubukas ng sesyon ay isang paraan ng pakikiisa sa mamamayan na nahihirapan sa kasalukuyang kalagayan dulot ng baha.
Itigil na anya dapat ang pagiging makapal ang mukha at huwag nang mag-red carpet fashionista walk na may dyamante. Mas mahalaga aniya na bigyang pansin ang mga kababayang naglalakad sa baha at exposed sa leptospirosis.
Sa panig naman ni Sen. JV Ejercito, iginiit niyang matagal na niyang paniniwala na hindi dapat gawing magarbo o parang fashion show ang SONA, lalo pa’t marami pa ring mamamayan ang naghihirap.
Ipinaalala ni Ejercito na hindi ito Oscars Award na kailangan ng bonggang suot at rumampa para magpasikat.