![]()
Ibinunyag ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Atty. Percida Rueda-Acosta na ilan sa kanilang mga abogado ang nakararanas ng depresyon at anxiety dahil sa dami ng kasong hinahawakan.
Sa pagtalakay ng panukalang budget sa Senado, inihayag ni Acosta na nasa 317 kaso ang hawak ng isang abogado sa loob lamang ng isang taon.
Ipinaliwanag ni Acosta na may pagkakataong sa isang calendar, may 30 o 40 kaso ang sabay-sabay na nakatakda sa pagdinig na hindi maaaring ipagpaliban, kaya’t nag-o-overtime ang mga abogado kahit Sabado at Linggo.
Hindi rin umano maaaring tumanggi ang mga abogado dahil maaari silang maharap sa administrative case.
Kasabay nito, ipinagmalaki ni Acosta na nakapagtala ang PAO ng 85.04% success rate para sa first semester ng 2025, mas mataas kumpara sa 83.63% na naitala noong 2024.
Noong 2024, mahigit 847,000 kaso ang nahawakan ng PAO, subalit sa kalahating taon pa lamang ng 2025 ay umabot na sa 667,000 kaso ang kanilang naitala.
