Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagpapatuloy na ang commercial flight operation mula at patungo ng Bicol International Airport matapos matagumpay na nakalapag ang Cebgo flight DG 6193 5:06 kaninang umaga.
Gayunpaman, ang eroplano ng Cebu Pacific flight 5J 325/326 mula (MNL-DRP-MNL) ay nakansela dahil sa Tropical Storm Kristine.
Nasa 82 inbound at 69 outbound na mga pasahero ang naapektuhan matapos makansela ang dalawang domestic flight nito sa Basco Airport.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, ang paliparan ng Tuguegarao ay bukas at handa na para sa normal na operasyon.
Gayunpaman, ang lahat ng commercial flight na naka-schedule ngayong araw ay nanatiling kanselado.
Mahigpit na binabantayan ng CAAP ang sitwasyon at nanatiling nakaalerto upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga pasahero. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News