Tiwala rin ang ilang miyembro ng Senate minority bloc sa pagkakahalal kay Isabela 6th District Rep. Faustino “Bojie” Dy III bilang House Speaker.
Ayon kay Senador Francis Chiz Escudero, personal niyang kilala si Dy kaya’t tiwala itong sapat ang karanasan at kapabilidad nito para matiyak ang matatag na liderato sa Kamara ngayong nasa kritikal na panahon ang bansa.
Umaasa rin si Escudero na hindi magiging hadlang ang pagpapalit ng liderato sa pagresolba sa mga isyu ng mga nakalipas na budget at anomalya sa mga imprastraktura.
Hindi aniya ito dapat magresulta sa selective amnesia kundi dapat sa institutional reform.
Aminado naman si Senador Imee Marcos na naaawa ito sa trabahong haharapin ni Dy dahil sadyang mahirap ang sitwasyon ngayon.
Tiwala rin si Marcos sa kakayahan ni Dy subalit ang tanging depekto aniya nito ay ang pagiging masyadong mabait.