Nagpahayag ng kani-kaniyang pangamba ang ilang senador sa pagpayag ni Pang. Bongbong Marcos na ibaba ang taripa o buwis sa imported na bigas sa 15% mula sa dating 35%.
Para sa chairperson ng Senate Committee on Agriculture na si Sen. Cynthia Villar, hindi na magkakaroon ng sapat na pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund dahil sa pagbaba ng taripa.
Malaking tulong sana anya ang makukuhang pondo para sa ayuda sa mga magsasaka na mayroong dalawang ektarya pababa na lupaing sinasaka.
Inilabas naman ni Sen. Risa Hontiveros ang pag-aalala ng mga lokal na magsasaka at mga nagsu-suplay ng bigas sa mga talipapa, palengke at supermarkets sa posibilidad na pagdagsa lalo ng mga imported na bigas na papatay sa kanilang kabuhayan.
Bagama’t magandang hakbang ang pagpapababa sa taripa, naniniwala si Sen. Joel Villanueva na dapat na pag-aralan pa itong mabuti upang mabatid kung nararapat nga itong ipatupad sa bansa.
Ayon sa senador, mas dapat pagtuunan ng pansin ng mga economic managers ang pangmatagalang solusyon sa problema sa suplay ng pagkain kaysa sa mga band aid solutions tulad ng pagpapababa sa taripa.
Dapat aniyang inintindi rin ng mga economic managers ang datos mula sa Department of Agriculture na nasa P6.35 bilyon na ang lugi ng agricultural sector nitong Hunyo dahil sa El Niño.
Pinakaapektado dito ng produksyon ng palay na umaabot na sa P3.3 bilyon ang pagkalugi.