dzme1530.ph

Ilang kongresista, humiling na tanggalin sa kanilang distrito ang mga proyektong paulit-ulit na pinopondohan

Loading

Kinumpirma ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na ilang kongresista ang humiling na tanggalin sa kanilang distrito ang mga proyekto na pare-pareho at paulit-ulit na pinopondohan.

Sa pagtalakay ng panukalang budget sa Senado, sinabi ni Gatchalian na dalawang kongresista na ang sumulat sa kanila matapos matuklasang may mga proyekto sa kanilang distrito na hindi nila alam.

Tinukoy ni Gatchalian ang mga ito na sina Rep. King Collantes ng 3rd District, Batangas, at Rep. Ferjenel Biron ng 4th District, Iloilo.

Sa dokumentong inilahad ng senador, lumalabas na kabilang sa mga proyektong paulit-ulit na pinopondohan ang mga multi-purpose building sa Batangas.

Naniniwala si DPWH Sec. Vince Dizon na nangangahulugan ito na hindi alam ng kongresista at maging ng district engineer ang mga proyektong bigla na lamang sumulpot sa kanilang distrito.

Hiniling naman ni Sen. Loren Legarda na kung tatanggalin ang mga duplicated project, dapat palitan ito ng iba pang proyekto upang hindi naman matanggalan ng infrastructure program ang mga distrito.

About The Author