![]()
Nagbabala ang ilang ekonomista at negosyante sa isinusulong na panukalang nationwide wage hike.
May kaugnayan ito sa panukala ni Cong. Eli San Fernando na naglalayong dagdagan ng isandaang hanggang dalawang daang piso ang arawang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa.
Iginiit ng mga negosyante na bagama’t layunin ng panukala na mapabuti ang kalagayan ng mga empleyado, dapat itong pag-aralang mabuti upang maiwasan ang negatibong epekto sa ekonomiya at sa sektor ng pagnenegosyo.
Sinabi naman ng ilang ekonomista na sa larangan ng ekonomiya, hindi sapat ang mga panukalang nakabatay lamang sa popular na panawagan kung walang sapat na pagsusuri.
Ang biglaang pagtaas ng sahod ay maaaring magresulta sa mataas na gastusin sa operasyon ng negosyo.
Posible rin itong magdulot ng pagtataas ng presyo ng produkto o serbisyo, pagbabawas ng bilang ng mga empleyado, o tuluyang pagsasara ng operasyon.
Kung mangyayari ito, ang mga manggagawa rin ang maapektuhan.
Sa pagtatantya, nasa 100,000 hanggang 300,000 na trabaho ang maaaring malagay sa panganib kung ipatutupad ang malawakang wage hike.
