Hindi napigilan ng ilang batang biktima ng sinasabing kulto sa Socorro, Surigao del Norte ang mapaiyak habang isinasalaysay ang kanilang naranasan sa loob ng organisasyon.
Humarap sa pagdinig sina Alyas Renz at Alyas Koko na kapwa 12 anyos at kinumpirma na sinasanay sila ng mga tauhan ni Senyor Aguila na maging kanyang mga sundalo.
Bukod anila sa paghahakot ng mga buhangin ay palaging isinasailalim sa ‘masimasi’ na isang uri ng parusa sa mga pulis at sundalo.
Iginiit ng dalawang victim-survivor na hindi sila pinag-aaral sa katwirang si Senyor Aguila mismo ay hindi naman nag-aral.
Itinanggi naman ni Jay Rence Quilario ang sumbong ng mga biktima at iginiit na masama lamang ang loob ng mga ito sa kanya.
Pinasinungalingan rin ni Senyor Aguila na hindi pinapayagang mag-aral ang mga bata dahil maaari anya silang lumabas-pasok sa kanilang lugar.
Kinontra naman ito ni Socorro, Surigao del Norte Mayor Riza Rafonselle Timcang na noong 2019 nang maganap ang lindol sa lugar ay nagkaroon ng massive drop-out kung saan 800 bata ang tumigil sa pag-aaaral.
Sa impormasyon naman ni Senador Risa Hontiveros, 30% lang ang pinapayagang mag-aral dahil sila ang nakakakuha ng 4Ps na ginagamit na pondo ng organisasyon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News