HINDI apektado ang senatorial bets ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa hindi pagkakasama sa inendorso ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo.
Ayon kina dating Senators Tito Sotto at Ping Lacson gayundin si ACT CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo, iginagalang nila ang kapasyahan ng pamunuan ng INC.
Sinabi pa ni Tulfo na hindi naman nila kailangang ipangalandakan ang kanilang sarili kung hindi sila napili ng isang religious organization habang si Sotto iginiit na ang pinakamalaki pa ring endorsement ay ang pag-endorso ng Panginoon.
Samantala, nagtipon-tipon ang mga evangelical pastor mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao sa Cuneta Astrodome para sa “Mission Possible,” na pagtitipon bilang suporta sa kandidatura ni Manny Pacquiao sa Senado.
Binigyang-diin sa okasyon ang pagkakatugma ng mga pinahahalagahan ni Pacquiao at ng hangarin ng komunidad para sa isang pamahalaang may malasakit at integridad.
Nagbigay din ng mensahe ng suporta si Senador Joel Villanueva, at nanawagan sa mga miyembro ng Jesus Is Lord (JIL) Church at iba pang Kristiyanong simbahan na suportahan si Pacquiao.
Pinuri ni Villanueva ang matatag at moral na pamumuno ni Pacquiao at ang walang pagod nitong adbokasiya para sa kapakanan ng mga mahihirap.
Bukod kay Pacquiao, inendorso rin ng JIL church ang kandidatura ng Alyansa bets na sina Lacson, Sotto at Senador Pia Cayetano.