dzme1530.ph

Ilan pang testigo, nagpatunay ng pananakit ng amo sa kasambahay na si Elvie Vergara

Ilan pang testigo ang humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights kaugnay sa pangmamaltrato sa kasambahay na si Elvie Vergara.

Pinatunayan ni Aling Melinda Magno na nakasabay nito sa pamamasukan kina France Ruiz si Vergara noong 2017 na nagpatibay sa pahayag ng kasambahay at kontra naman sa pahayag ng amo na 2019 nagsimulang magtrabaho sa kanya ang biktima.

Ayon kay Magno, nakaranas din siya ng pananakit mula kay France nang pukpukin ang kanyang kamay ng itak.

Matapos ito ay hindi na siya pumasok pang muli upang maiwasan na ang pagmamalupit ng kanyang amo.

Sinabi ni Magno na nang makasama niya si Vergara noong 2017 ay maayos pa ang hitsura nito kaya’t nagulat siya nang makita ngayon ang kasambahay na tila ‘senior citizen’ na.

Humarap din sa pagdinig ang garbage collector na si Richard Rendon na siyang nakakita kay Vergara na may mga sugat at pasa sa katawan.

Sa layung matulungan na makapagsumbong sa mga awtoridad, pinicturan ni Rendon si Vergara partikular ang mga sugat at pasa nito.

Subalit inabutan sila ni Pablo Ruiz, ang among lalaki ni Vergara at pinabura ang larawan.

Iginiit naman ni Senador Jinggoy Estrada na malinaw na nais ni Pablo na pagtakpan ang  pananakit ng kanyang asawang si Frace sa kasambahay na si Vergara.

Pinatotohanan naman ng testigong si Paolo Toling, alyas Pawpaw ang pananakit ni France kay Vergara kabilang ang ilang beses na panununtok, pag-untog sa freezer at paghampas.

Maging siya anya ay dinuduro at minumura ni France tuwing makikita siyang nagpapahinga. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author