dzme1530.ph

Ilan pang senador, nagpahayag ng pakikidalamhati sa pagpanaw ni dating Sen. Biazon

Nagpahayag ng simpatiya sa pamilya Biazon ang iba pang senador na nakasama ni dating Senador Rodolfo Biazon sa paglilingkod sa bayan.

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na ang hindi matatawarang commitment ni Biazon sa seguridad at kapakanan ng bansa ay hindi kailanman malilimutan.

Pribilehiyo namang itinuturing ni Senador Jinggoy Estrada ang makasama sa 13th at 14th Congress ang dating heneral kung saan nasaksihan niya ang passion ni Biazon sa public service at ang adbokasiya sa low-cost housing at pagtataas ng benepisyo ng mga sundalo.

Idinagdag ni Estrada na ang karunungan, karanasan at katang-tanging work ethic ni Biazon ay patunay na isa siyang invaluable asset ng institusyon at tunay na inspirasyon para sa lahat.

Hindi naman makakalimutan ni Senador Risa Hontiveros ang mga pakikibaka nito kasama si ang yumaong senador na anya’y nagpakita ng mataas na respeto sa karapatang pantao, at mga katangian ng isang officer and a gentleman.

Kapuri-puri para sa senadora ang palagiang kahandaan ni Biazon na lumabas sa kanyang pribadong buhay sa tuwing kailangan ng bansa ang kanyang serbisyo.

Samantala, inilarawan ni Senador Bong Revilla si Biazon bilang true officer and a gentleman na handang isakripisyo ang buhay para sa bansa at sa mamamayan dahil sa kanyang pagmamahal sa bayan.

Sinabi naman ni Senador Grace Poe na nakalulungkot man ang pagkawala ng anya’y katangi-tanging sundalo at mambabatas subalit ang kanyang mga naiambag sa military institution at sa lawmaking ay hindi kailanman makalilimutan. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author