Umarangkada na ang ikatlong pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations kaugnay sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi katulad noong nakalipas na pagdinig, present ngayon sa hearing sina Justice Sec. Boying Remulla; DFA Sec. Enrique Manalo, DMW Sec. Hans Leo Cacdac, Prosecutor Gen. Richard Anthony Fadullon, Lt. Gen. Anthony Alcantara ng PCTC, PNP chief Rommel Marbil, PNP CIDG Dir. P/Brig Gen. Nicolas Torre III, PNP Spokesperson Jean Fajardo, AFP Chief of staff Romeo Brawner, Justice Rodolfo Azcuna, dating DILG Sec. Martin Delgra at Atty. Alexis Medina.
Absent pa rin naman sa pagdinig sina National Security Adviser Eduardo Año, DILG Sec. Jonvic Remulla at SolGen Menardo Guevarra.
Sa pagbubukas ng pagdinig, agad iginiit ni Sen. Imee na ang konstitusyon ang dapat mangibabaw kumpara sa iba pang mga tratado na pinasukan ng bansa.
Tanong pa ng senadora kung bakit hindi idinaan sa lokal na korte ang dating Pangulo at bakit hindi extradition ang ginamit sa proseso.
Ipinaliwanag naman ni Remulla na surrender ang option dahil hindi naman tayo ang dapat magproseso ng extradition dahil nandito sa bansa si dating Pangulong Duterte.
Iginiit din ni Remulla na dumaan sa due process ang pag-aresto sa dating Pangulo kasabay ng pahayag na pitong taong isinagawa ang imbestigasyon.
Tanong naman ni Sen. Bato dela Rosa kung bakit kinailangang isuko ang isang Pilipino sa foreign authorities.