dzme1530.ph

ICI, tinanggap ang reklamo ni Trillanes kaugnay ng umano’y anomalya sa infrastructure projects

Loading

Kinumpirma ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na natanggap na nito ang liham at kopya ng reklamo ni dating senador Antonio Trillanes IV kaugnay ng umano’y ghost at anomalous infrastructure projects.

Ayon sa ICI, isasailalim ito sa pagsusuri bilang bahagi ng nagpapatuloy na case build-up ng komisyon.

Sinabi ni ICI spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka na ang dokumentong isinumite ni Trillanes ay ipapasa sa komisyon para sa pormal na ebalwasyon kapag naayos na ang staffing capacity ng ahensya.

Ang hakbang ni Trillanes ay kasunod ng kanyang reklamo noong Oktubre 21 sa Office of the Ombudsman laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher “Bong” Go dahil sa umano’y ₱7 bilyong halaga ng proyektong nailihis umano sa mga kumpanyang konektado sa pamilya ni Go.

Noong Oktubre 24, ipinadala rin ni Trillanes sa ICI ang kopya ng reklamo upang suportahan ang imbestigasyon ng komisyon sa mga kahina-hinalang proyekto sa imprastruktura.

Ayon kay Hosaka, rerepasuhin muna ng komisyon ang dokumento bago magtakda ng susunod na hakbang. Sinabi rin nito na habang hinihintay pa ang approval ng staffing pattern ng ICI, maayos namang naitala at naka-archive ang lahat ng isinumiteng dokumento, kabilang ang liham ni Trillanes.

About The Author