Pormal nang lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Pinangunahan mismo nina ICI Chairperson Andres Reyes Jr. at AMLC Chairperson at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr. ang paglagda sa kasunduan.
Dumalo rin sina Atty. Francisco Ed. Lim, miyembro ng AMLC at chairperson ng Securities and Exchange Commission (SEC), at si Atty. Reynaldo Regalado, miyembro ng AMLC at commissioner ng Insurance Commission.
Ayon kay Reyes, ang hakbang ay deklarasyon ng nagkakaisang layunin na labanan ang korapsyon at protektahan ang taumbayan. Aniya, magtutulungan ang mga ahensya upang mapanagot ang mga indibidwal na mapapatunayang sangkot sa flood control anomaly.
Samantala, dumating din sa tanggapan ng ICI ang mag-asawang Discaya, na subject ng kasalukuyang imbestigasyon kaugnay ng nasabing proyekto.