![]()
Nagkaroon ng redactions o pagbura o pagtatago ng sensitibong impormasyon sa live broadcast ng ikatlong araw ng confirmation of charges hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC), ito ay dahil sa paglalabas ng kampo ni Duterte ng mga impormasyong maaring magbunyag sa pagkakakilanlan ng mga biktima at testigo.
Sinabi ni Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc, na nagpasya ang Chamber na panatilihin ang redactions na naunang ipinatupad sa hearing dahil sa kahilingan ng prosekusyon.
Pinaalalahanan din nito ang depensa na huwag maglabas ng mga impormasyon na maaaring hindi naman kailangan.
Inihayag ni Motoc na ibinunyag ng depensa ang mga impormasyon sa iba’t ibang okasyon kung saan nabanggit ang pagkakakilanlan ng mga biktima at saksi, gaya ng posisyon at palayaw, na hindi dapat pang banggitin.
Ipinaliwanag ng presiding judge na ito ang nararapat na hakbang upang mapangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga biktima at testigo, kabilang na ang kanilang psychological well-being, dignidad, at pribadong buhay.
