dzme1530.ph

ICC, may hurisdiksyon sa sinumang indibidwal na nahaharap sa kasong paglabag sa International Humanitarian Law

Loading

Sa kabila ng paninindigan na hindi na tayo miyembro ng International Criminal Court (ICC), nilinaw ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na may obligasyon pa rin ang Pilipinas na tumugon sa paghahabol sa mga indibidwal na nasasangkot sa paglabag sa humanitarian law.

Sa pagdinig sa Senado, paulit ulit na tinanong ni Sen. Imee Marcos ang mga miyembro ng gabinete kung kinikilala nila ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan sa ICC.

Ipinaliwanag ni Remulla na magkaiba ang sinasabing hurisdiksyon ng ICC sa isang estado kumpara sa pananaklaw nito sa isang indibidwal na nahaharap sa kasong kriminal.

Binigyan-diin ng kalihim na transparent naman ang gobyerno kaugnay sa relasyon sa ICC kung saan simula nang kumalas ang bansa sa Rome Statute ay hindi na nakipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa ICC.

Iginiit ng kalihim na bagama’t hindi natin obligasyong makipagtulungan sa ICC, ibang obligasyon naman ang pagtulong natin sa paghahabol sa mga indibidwal na lumalabag sa batas alinsunod na rin sa International Humanitarian Law.

Bukod dito, nakapaloob din aniya ito sa Republic Act 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.

Iginiit din ng Justice Secretary na hindi rin natin maaaring talikuran ang obligasyon nating makipagtulungan sa International Criminal Police Organization.

About The Author